DAGUPAN CITY- ‎Ika-apat na araw na ng taunang Brigada Eskwela sa Longos Elementary School sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.

Patuloy ang sama-samang pagsisikap ng mga guro, magulang, at mga boluntaryo upang matiyak ang kahandaan ng paaralan para sa pagbubukas ng klase sa darating na Lunes.

Ayon kay Genaro L. Juguilon, Master Teacher II sa nasabing paaralan, nasa siyamnapung porsyento na ang natatapos sa kanyang silid-aralan na ngayong gagamitin ng mga mag-aaral sa Grade 3.

--Ads--

Sa ngayon, final touches na lamang ang isinasagawa upang mas maging masinop at kaaya-aya ang silid para sa mga bata.

Kahit makulimlim ang panahon, hindi ito naging hadlang sa pagpapatuloy ng Brigada Eskwela.

Tila naging inspirasyon pa ito para sa mga katuwang ng paaralan na mas pag-igihin ang kanilang gawain.

Tuloy ang pagpipintura sa ilang bahagi ng paaralan upang pasiglahin ang kapaligiran, at maging mas welcoming para sa pagbabalik ng mga mag-aaral.

Ngunit higit sa pisikal na ayos, binibigyang-pansin din ng pamunuan ang mga isyung pangkalikasan gaya ng pagbaha.

Inumpisahan na rin ang pagtatabon sa harapang bahagi ng paaralan upang maiwasan ang pag-ipon ng tubig tuwing tag-ulan.