DAGUPAN CITY- Nakikita na ang positibong resulta ng kampanya laban sa paputok sa Barangay Malued, Dagupan City.

Sa panayam kay Kap. Pheng Delos Santos na sa kanilang ilang araw na pagiikot upang magbigay ng impormasyon sa nakalipas na araw napansin nilang nababawasan na ang nagpapaputok sa kanilang barangay at nakikita ang suporta ng mga residente sa kampanya.

Ngunit ibinahagi nito na isa sa mga problema pa rin nila ay ang mga gumagamit ng modified muffler sa motorsiklo, kung saan mayroon na silang nahuli, na karamihan ay hindi residente ng Malued.

--Ads--

Ipinahayag din niya na ang mga bata ang kadalasang nakikita nilang bumibili ng paputok, kaya sila ay sinasama sa kampanya upang matukoy kung saan nakakabili ng mga ito.

Tungkol sa ilegal na paggawa ng paputok, sinabi ni Kapitan Delos Santos na nakakalungkot ang mga pangyayaring may nadadamay na inosente dahil sa mga taong gustong kumita gaya sa nangyari sa Barangay Bacayao Norte.

Pagpapaliwanag naman nito na sa kanilang barangay ay wala pa rin silang nahuhuli o nakikita na gumagawa nito kaya puspusan ang kanilang pagtutok sa ganitong usapin upang hindi na maulit ang mga dating pangyayari sa kanilang nasasakupan.

Samantala , sa pagsalubong sa bagong taon sa halip na magpaputok ay hinihikayat ni Kapitan Delos Santos ang kanyang mga kabarangay na maglabas na lamang ng speaker, gumamit ng mga kaldero, at iba pang bagay na maaaring makapag-ingay sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Nanawagan si Kapitan Delos Santos sa kanyang mga kabarangay at sa mga taga-Dagupan na isipin ang buhay na maaaring madisgrasya kung pipiliting magpaputok, at hinimok ang lahat na suportahan ang kampanya ng gobyerno para sa ligtas na Bagong Taon.