Nahaharap sa patong patong na kaso ang isang Barangay Kagawad at isang tanod matapos silang maaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor Cavite.

Nakilala ang kagawad na si Dante Junio Morales, 50 anyos at ang tanod na si Miguel Dela Cruz Piedad, 53 anyos.

Nakuha sa surveillance video ng poseur buyer ang ginawang pagtimbang at pagbatak ng shabu nina Morales at Piedad.

--Ads--

Kapwa high-value target ang dalawang suspek na ayon sa mga pulis ay dalawang buwan na nilang minamanmanan.

Bukod sa paggamit ng droga sa loob ng Barangay Hall, doon na rin nagaganap ang pagbebenta ng dalawang suspek.

Ayon din sa nakapalap na impormasyon ng kapulisan alam ng mga residente sa lugar ang pagbebenta ng droga ng dalawa ngunit natatakot silang isumbong ang mga ito dahil sa pagiging siga ni Morales.

Walang ideya ang kapitan ng baranggay na ginagawang drug den ang kanyang opisina.

Nakuhaan ang mga suspek ng .89 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P6,052.

Bukod sa kasong paglabag sa mga probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, mahaharap din ang dalawa sa mga kasong administratibo.