Dagupan City – Patuloy na pinapanatili ng Barangay Bolosan ang kanilang pagkilala bilang Cleanest Barangay sa lungsod ng Dagupan.
Nakamit nila ito noong 2024 mula sa Department of Interior and Local Government dahil sa dedikasyon ng komunidad sa kalinisan at sanitasyon ng kapaligiran.
Ayon kay Barangay Captain Nancy Morris, ang kanilang tagumpay ay bunga ng pagkakaisa at suporta ng bawat residente.
Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa patuloy na kooperasyon ng kanyang mga nasasakupan.
Aminado si Kapitan Morris na may ilan pa ring hindi sumusunod sa mga panuntunan sa kalinisan, ngunit aktibo silang naghahanap ng paraan upang sila ay mahikayat na sumunod.
Kabilang dito ang mas mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation at pagbabawal sa pagsusunog ng basura.
Nanawagan din siya sa mga residente na patuloy na maging mapagmatyag at aktibo sa pagpapanatili ng kalinisan ng barangay, dahil ito ay responsibilidad ng bawat isa.
Sa hinaharap, plano ng Barangay Bolosan na maglunsad ng mas marami pang programa upang higit na mapabuti ang kanilang environmental performance at magsilbing modelo sa iba pang barangay.
Layunin nilang mapanatili ang kanilang katayuan bilang huwarang barangay sa kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran sa buong lungsod ng Dagupan.










