DAGUPAN CITY- Isinagawa ang Third Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill sa Barangay Buenlag, Binmaley, Pangasinan sa pangunguna ng Office of Civil Defense (OCD) Regional Office I.
Katuwang dito ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Municipal DRRMO ng Binmaley, at iba’t ibang sektor tulad ng mga estudyante mula sa Buenlag Elementary School, at mga mamamayan ng barangay.
Ayon kay Dr. Elvis Quitalig, Civil Defense Officer ng OCD Regional Office I, naatasan ang kanilang tanggapan na ganapin ang earthquake drill dito sa Pangasinan, partikular sa Binmaley, dahil sa posibilidad na matamaan ito ng epekto ng lindol o tsunami, batay sa pagsusuri ng PHIVOLCS.
Idinagdag niya na taun-taon itong isinasagawa kada quarter bilang bahagi ng paghahanda ng mga mamamayan sa posibleng sakuna.
Ayon pa kay Dr. Quitalig, nakipag-ugnayan ang OCD sa PDRRMO upang masukat ang kahandaan ng mga residente at LGU.
Ayon naman kay Amernia Delos Angeles, OIC ng MDRRMO Binmaley, naimbitahan ang kanilang bayan bilang regional pilot area ng OCD.
Napili ang Barangay Buenlag dahil isa ito sa mga coastal areas ng Binmaley.
Ibinahagi rin niya na maganda ang naging suporta ng Barangay Council sa aktibidad at hindi inaasahan ang dami ng mga nakiisa at nakilahok sa drill.
Layunin ng aktibidad na paigtingin ang kahandaan ng komunidad sa harap ng mga posibleng sakuna sa pamamagitan ng pagsasanay, koordinasyon, at pagtutulungan ng lahat ng ahensya at mamamayan.