Mga kabombo! Sabi nga nila, ibang-iba pa rin talaga ang sustansya ng gatas ng isang ina o ang Breast Milk.
Ngunit paano na lamang kung malaman mong, bukod sa para ito sa mga sanggol ay bukas na rin pala ito sa kahit anong edad?
Take note, lang ito basta-basta breastmilk dahil may twist pala! Talagang mapapa-ice cream yummy, ice cream good ka talaga.
Paano ba naman kasi, sikat na sa ibang bansa ang bagong flavor ng kilalang ice cream shop. Ang flavor kasi nila ay ang bagong breast milk-flavored ice cream!
Ngunit paglilinaw ng mga ito, hindi ito tunay na gatas ng ina kundi isang produkto na idinisenyong gayahin ang tamis at sustansiya ng breast milk.
Ayon sa kumpaniya, ang kanilang ice cream ay isang “pitch-perfect representation” ng breast milk. Ginaya nito mula sa lasa hanggang sa nutritional contents nito. Ipinagmamalaki nilang taglay nito ang Omega-3 na pampatalino, lactose na pampalakas ng enerhiya, at mahahalagang bitamina gaya ng calcium, iron, Vitamin B, at D.
Inilarawan naman nila ang lasa ng ice cream na may halong tamis, kaunting alat, at nutty na after taste na umano’y mga katangiang sinasabing matatagpuan sa gatas ng ina.
Bagama’t umani ito ng iba’t ibang reaksyon sa publiko, agad naman itong pumatok sa merkado. Sa katunayan, maaari nang mag-pre-order sa kanilang website para sa mga gustong unang makatikim ng kakaibang dessert na ito.
Hindi ito ang unang beses na gumamit ng kontrobersiyal na marketing strategy ang Frida. Noong 2020, gumawa rin sila ng ingay matapos ipagbawal ang kanilang postpartum care advertisement sa Academy Awards dahil diumano’y “masyadong graphic.”