Nakatakdang pangunahan ng Department of Agriculture (DA) ang boodle fight na isasagawa sa lalawigan ng Batangas sa susunod na linggo.
Ito ay upang mapatunayan na ligtas kainin ang mga isdang nahuhuli sa Taal Lake at mapawi ang pangamba ng mga mamimili bunga ng mga napapa-ulat na dito itinapon ang mga bangkay ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay DA Spokesperson and Assistant Secretary Arnel de Mesa, layunin nito na alisin ang pangamba ng publiko sa kaligtasan ng mga isda na nanggagaling sa Taal Lake na nakaaapekto na sa kabuhayan ng mga residente.
Ani De Mesa, prayoridad ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na mawala ang takot ng mga mamimili na kumain ng mga isdang huli sa naturang lawa.
Dito na niya ipinaliwanag na ligtas kainin ang mga tawilis dahil plankton lamang ang kinakain nito at commercial feeds naman ang kinakain ng ibang isda dito tulad ng bangus, maliputo, at tilapia.
Paliwanag ni De Mesa, hindi kasi nagpupunta sa ilalim ng lawa ang mga nasabing isda.
Bukod sa mga opisyal ng departamento at ilang kawani nito ay lalahok din ang attached agency na BFAR sa boodle fight, ilang lokal na opisyal sa paligid ng Taal, mga negosyante, at mga mangingisda.