Hindi ayuda, subalit kalayaan ang kailangan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea — PAMALAKAYA

54

BOMBO DAGUPAN — Walang kaayusan.

Ito pa rin ang nakiktang sitwasyon ng karamihan sa mga mangingisda sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.

Ito ang naging sentimyento ni Fernando Hicap, Chairman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.

--Ads--

Sinabi nito na kung noong taong 2021 ay halos mawalan na sila ng kabuhayan dahil sa maliit nilang huli sa pinagtatalunang karagatan, sinabi nito na mas lalong malala ang kinakaharap nilang sitwasyon sa kasalukuyan.

Aniya na sa kabila ng mga isinagawang aktibidad ng bansa sa West Philippine Sea kabilang na ang Balikatan Exercises at pagtatayo ng symbolic marker sa teritoryo ng bansa ay wala itong nagawa upang ibsan ang sitwasyon sa nasabing lugar.

Bagkus ay lalo pang tumindi ang pangha-harass ng China laban sa mga tripulante at mangingisdang Pilipino. Saad pa nito na malinaw umano ang nagiging katayuan din ng mga mangingisda pagdating sa nasabing usapin.

Ani Hicap na bagamat may kaunting tulong na naidudulot sa mga mangingisda ng bansa gaya na lamang ng pagaabot sa mga ito ng ayuda tulad ng fuel subsidy, ay hindi ito sumasapat.

Paggi-giit nito na mas sasapat kung magiging malaya at walang takot sila na makapaglayag at makapangisda sa sariling teritoryo ng bansa.

Saad pa nito na naniniwala naman ang kanilang grupo na may kapasidad ang gobyerno ng bansa upang protektahan ang mga mangingisda nito at gampanan ang mandato ng konstitusyon na protektahan ang soberanya ng bansa pagdating sa pinagaagawang teritoryo lalong lalo na sa mga mananakop.

Gayunpaman bilang ito aniya ay dapat na prayoridad ng bansa, ngunit hindi naman ito napaglalaanan ng pondo at hindi nailalagay ang pangunahing pangangailangan ng mamamayang Pilipino sa pagpapanatili ng soberanya ng Pilipinas at hindi maagaw ninuman ang teritorial waters ng bansa.

Pagdidiin ni Hicap na sa oras na mawala sa bansa ang West Philippine Sea ay magiging malaking dagok ito sa bansa hindi lamang sa mga mangingisda na maaaring mawalan ng hanapbuhay ngunit gayon na rin ang tuluyang pagkasira sa lokal na produksyon ng isda, lalo na ngayong nagpapatuloy ang mga proyekto na sumisira sa mga katubigan sa bansa.

Samantala, naniniwala naman ito na ang pagtindi ng tensyon sa West Philippine Sea ay dahil sa panghihimasok ng Estados Unidos sa sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ito aniya ay lalong magdadala sa bansa sa kahihinatnan ng giyera at sa oras na mangyari ito ay magiging biktima ang Pilipinas at maraming mga Pilipino na magdadala naman sa giyera ng mas malalaki pang mga bansa.

Kaugnay nito ay ams mainam na magkaroon ng pag-uusap hindi lamang sa pagitan ng China, Estados Unidos, at Pilipinas ngunit gayon na rin sa iba pang mga bansa na nasasaklaw ng ipinaiiral na Ten-Dash Line ng China nang sa gayon ay malutas sa mapayapang paraan ang isyu sa West Philippine Sea.