BOMBO DAGUPAN — Business as usual lamang.

Ito ang nakikita ngayon na sitwasyon ng isang political analyst sa Senado ilang araw matapos bumaba si dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri sa pwesto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Atty. Michael Henry Yusingco na wala silang nakikitang o maaasahang pagbabago ngayon sa kalidad ng mga lehislatibong aksyon sa Senado.

--Ads--

Gayunpaman, sinabi nito na sa kabila ng mataas na emosyon kasunod ng mga pangyayari ay mas mainam na obserbahan na lamang muna sa kasalukuyan ang Senado.

Aniya sa nagiging takbo ngayon ng mga bagay-bagay ay malayong matapos pa ang nagaganap na sisihan at batuhan ng mga paratang sa pagbaba si Sen. Juan Miguel Zubiri sa posisyon.

Idiniin nito na hindi katulad sa mga naunang Kongreso partikular na matapos maipasa ang 1987 Constitution kung saan nakatuon ang mga Senador sa pagpapasa ng mga makabuluhan at kalidad na batas, ay hindi na ito nakikita ngayon sa mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon.

Saad ni Atty. Yusingco na ang mas nakakalungkot pa ay sa halip na magpokus ang mga Senador sa kanilang tungkulin ay mas matimbang na sa kanila ngayon ang manatili sila sa kapangyarihan at hindi ang maglingkod sa taumbayan.

Dagdag pa nito na ang mga lumalabas na pasaring at mga pahiwatig ng ilang mga Senador ay nagpapakita na tila naglolokohan lamang sila sa Senado na nagiging mitsa naman ng pagbaba ng reputasyon ng institusyon.

Ito aniya ay lalong nakakasama sa imahe ng mismong Senado at gayon na rin sa mismong sistema ng paglikha at pagpapasa ng mga batas.

Bilang mga mambabatas, sinabi ni Atty. Yusingco na umaasa ang publiko sa mga Senador na magpasa ng mga batas na tumutugon sa lubos na pangangailangan ng mga mamamayan ngunit tila ay nagpa-power play lamang ang mga ito.