Dagupan City – Isang araw bago ang September 11, 2001 o 9/11 attacks, nasa mismong lugar ng World Trade Center sa New York, United States ang isang Bombo International News Correspondent na tubong Pangasinan.

Ibinahagi ni Zandrix Tello, Bombo International News Correspondent in the USA at tubong Binmaley, Pangasinan, ang kaniyang karanasan nang mapuntahan ang lugar na kinabukasan ay magiging sentro ng isa sa pinakamalalang pag-atake sa kasaysayan ng Estados Unidos.

Ayon kay Tello, naging atraksyon umano sa mga bumibisita ang lugar, partikular ang memorial kung saan makikita ang mga pangalan ng mga nasawi sa naturang trahedya.

Sa kaniyang pagbabalik-tanaw, sinabi ni Tello na nasa huling bahagi siya noon ng kaniyang duty sa isang cruise ship at nagkataon umanong sa New York ang kaniyang assignment at nakapunta siya sa lugar isang araw bago ang insidente.

Nakapagpakuha pa umano siya ng litrato sa nasabing gusali bago siya tuluyang umalis ng New York.

Hindi naman niya inakala na kinabukasan ay magbabago ang lahat matapos salakayin ng mga hijacker ang Estados Unidos at bumagsak ang dalawang eroplano sa Twin Towers ng World Trade Center.

Nang makauwi siya sa Pilipinas, doon niya nalaman ang nangyari matapos siyang gisingin ng kaniyang ina at ibalita ang pag-atake sa New York.

Aminado si Tello na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya tuluyang maalis sa kaniyang isipan ang posibilidad na maaaring maulit ang katulad na insidente, lalo na kapag nakikita niya ang lugar na naging saksi sa naturang trahedya.

Dahil dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging alerto at pagiging aware sa mga nangyayari sa paligid, lalo na sa mga matataong lugar.

Aniya, mahalagang maging maingat dahil maaaring maging target ng mga pag-atake ang mga lugar na maraming tao.

Kung hindi naman kinakailangan ang pananatili sa isang lugar, mas mainam umano itong ipagpaliban at, hangga’t maaari, iwasan kung hindi naman importante.

Samantala, sinabi rin ni Tello na bago ang 9/11 ay hindi pa umano ganoon kahigpit ang mga security procedure sa ilang lugar.

Ngunit matapos ang trahedya, mas pinaigting ang mga hakbang pangseguridad bilang bahagi ng mga pagsisikap na maprotektahan ang publiko laban sa posibleng banta.

Iniugnay rin ni Tello ang kaniyang pangamba sa mga kasalukuyang tensiyon sa pagitan ng United States at Iran, na aniya’y muling nagpapaisip sa posibilidad ng panibagong pag-atake.