Dagupan City – Sa gitna ng mga ulat ng sunod-sunod na bomb threat sa ilang paaralan sa lalawigan ng Pangasinan ngayong 2025, nagbabala si Atty. Francis Abril, isang legal at political consultant, hinggil sa seryosong epekto ng mga ganitong pananakot — hindi lamang sa kaligtasan, kundi pati na rin sa kinabukasan ng mga estudyanteng sangkot.

Ayon kay Atty. Abril, ang mga bomb threat ay hindi biro at nagdudulot ng malaking abala sa mga paaralan.

Dagdag pa niya, kahit pa menor de edad ang gumawa ng ganitong krimen at maaaring hindi agad masaklaw ng criminal liability, may kaakibat pa ring kaparusahan gaya ng expulsion o pagtanggal sa eskwelahan.

--Ads--

Nagpaalala rin si Atty. Abril sa mga magulang at guro na bantayang mabuti ang mga kabataan, lalo na ang kanilang mga kaibigan at kinikilos sa loob at labas ng paaralan.

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad na seryosong paglabag sa batas ang pagbibiro o pagbibigay ng pekeng bomb threat.

Nananawagan din sila ng kooperasyon mula sa publiko upang mapanatili ang seguridad sa mga paaralan at maiwasan ang hindi kinakailangang takot at kaguluhan.