Nababahala ang isang board member sa Pangasinan kaugnay ng pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa lalawigan.
Ayon kay Sangguniang Panlalawigan (SP) Member Jeremy Rosario, kinakailangan nang pabilisin ang pagpapatupad ng ticketing system para sa mga lumalabag sa batas trapiko.
Sinabi ni Rosario na ngayong aprubado na ang ordinansa ukol sa Common Citation Ticket Provincial Ordinance Violation, inaasahang maipatutupad na ito sa lalong madaling panahon.
Ayon pa sa kanya, nakakalungkot na sa Region 1 ay tumaas ang bilang ng road accidents, kung saan 70 porsyento ng mga naitalang insidente ay sangkot ang mga motorsiklo.
Sa lalawigan ng Pangasinan, umabot sa 2,500 ang naitalang road accidents noong 2025, na mas mataas ng 20 porsyento kumpara sa 1,800 na kaso noong nakaraang taon.



