Tututukan ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga substandard at palpak na public works projects ng pamahalaan, kasunod ng mga ulat ng mga imprastrakturang madaling masira matapos ang pag-ulan at mga bagyo.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo, bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon ng komite sa mga alegasyon ng katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.
Bukod sa mga bagong pangalan at isyung may kaugnayan sa flood control projects, sinabi ni Tulfo na isa-isa umanong susuriin ng komite ang mga tulay, kalsada at iba pang pampublikong pasilidad na umano’y hindi tumutugon sa itinakdang pamantayan.
Giit ni Tulfo, posibleng indikasyon ng korapsyon ang mga proyektong pinondohan ng gobyerno ngunit hindi natatapos o kaya naman ay hindi maayos ang pagkakagawa.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin umano ang komite sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kaukulang ahensya para sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Kabilang sa mga bibigyang-pansin ang pagguho ng retaining wall sa EDSA-Ayala northbound sa Makati City matapos ang sunod-sunod na bagyo, na nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko.
Ipinunto rin ng senador ang pagkondena ni DPWH Secretary Vince Dizon ang insidente matapos lumabas na hardiflex umano, sa halip na matibay na materyales, ang ginamit sa gumuhong bahagi ng istruktura.
Samantala, nilinaw ni Tulfo na hindi lamang flood control projects ang tututukan ng Blue Ribbon Committee, dahil susuriin din nito ang iba pang nakabinbing usapin ng korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sinabi ng senador na magiging mahigpit ang komite sa pagkalap ng ebidensya at sisiguraduhing isasagawa ang mga imbestigasyon alinsunod sa mga panuntunan ng Senado at umiiral na batas.










