Dagupan City – Mananatili sa ilalim ng blue alert status ang lalawigan ng Pangasinan hanggang ngayong araw ng Lunes, Abril 21, maliban na lamang kung ito ay opisyal na ibaba ng Office of Civil Defense (OCD).
Kaugnay nito, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad, partikular na sa mga pangunahing kalsada upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at biyahero.
Ayon kay Erika Galera – PIO, Pangasinan PDRRMO, nakapagtala na rin sila ng ilang vehicular traffic incidents sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Philippine National Police (PNP) upang makuha ang kumpletong datos kaugnay ng mga ito.
Aniya na asahan na rin ang pagdagsa ng mga mag uuwiang turista matapos ang paggunita ng Mahal na Araw.
Bagama’t inaasahang mag-uunahan na ang iba sa pagbabalik sa kani-kanilang tahanan, nananatiling nakaantabay ang mga tauhan ng PDRRMO at iba pang ahensiya sa mga lugar tulad ng mga karagatan, simbahan, at iba pang pasyalan.
Nagpaalala rin ang pamahalaang panlalawigan sa mga motorista at biyahero na maging mahinahon at maglaan ng dagdag na pasensya dahil sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko ngayong huling araw ng mahabang bakasyon.