Ibinahagi ng Blood Donor Recruitment Region 1 Medical Office ang mga benepisyong maaaring makuha ng isang tao sa pagdo-donate ng kanilang dugo.

--Ads--

Ayon kay Gerald Dioquino, ang Officer ng Region 1 Medical Center, bagamat walang siyentipikong basehan ang pisikal na benepisyo ng pagdo-donate ng dugo, mas ineenganyo umano ng pagsasagawa nito ang pagpo-produce ng red blood cells upang mapalitan ang dugong nai-donate.

Higit aniya sa mahalagang dulot nito ay maaaring magamit ang naidonate ng dugo upang madugtungan ang buhay ng tatlong katao.

Hinahati kasi aniya ang bawat donasyon sa tatlong proseso at ito ay ang mga platelet concentrate, fresh frozen plasma at red blood cells.

Pagbabahagi ni Dioquino na marami kasi sa mga pasyente ang nangangailang ng dugo kabilang na dito ang mga nanay na bagong panganak mapa-normal man o cesarean, mga pasyente na may diabetes at nagda-dialysis lalo na ng mga nadidisgrasya.

Ito ang dahilan kung bakit lubos nilang ineenganyo ang pagdo-donate ng dugo sa mga mamamayan at para sa mga nagnanais na sumailalim dito, may mga kwalipikasyong kinakailangang isaalang-alang.

Maaari na aniyang makapagbahagi ng kanilang dugo ang edad 16 hanggang 65 years old subalit para sa mga menor de edad ay kinakailangan pa ang consent ng kanilang mga magulang at para naman sa mga senior citizen donor mula 60-65 years old ay dapat munang makapasa sa pagsusuri ng medical officers.

Hinihikayat din aniya ng kanilang hanay na bago magsagawa ng donasyon ay dapat na mayroon itong 6 hanggang 8 oras na tulog at umiwas ding uminom ng alak bago mag-donate.

Kung may mga operasyon kahit gaano man kaliit at kung may tattoo ang isang donor ay kinakailangan munang lumampas ito ng isang taon bago payagang makapamahagi ng dugo.

Sa mga may bisyo naman, dapat ay hindi nasubukang gumamit ng mga ipinagbabawal na gamot.

Kung pasado sa mga nabanggit na kwalipikasyon, ang kinakailangan lamang aniyang gawin ay magdala ng kanilang ID at vaccination card sa mga lugar na kanilang pagdadausan ng donasyon.