Mariing iginiit ng mga lokal na opisyal na mahigpit na ipinagbabawal ang black sand mining sa lungsod, partikular na sa Tondaligan Beach, dahil ito ay protektadong lugar at mahalaga sa ecosystem ng karagatan.

Sa programang Duralex Sedlex, ipinaliwanag ni Atty. Joey Tamayo, co-anchor ng nasabing programa, ang black sand mining ay walang ipinagkakaloob na permit sa lungsod at itinuturing na ilegal sa ilalim ng mga umiiral na ordinansa.

Ayon kay Tamayo, ang pagtanggal ng black sand o magnetite sa baybayin ay maaaring magdulot ng paglubog ng lupa at paglala ng coastal erosion, lalo na tuwing may bagyo.

--Ads--

Dahil dito, nanawagan siya sa mga residente na maging mapagmatyag at ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa pagmimina sa dalampasigan.

Samantala, bago pa man ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nakatanggap na umano ng pondo ang Sangguniang Panlungsod ng Dagupan para sa mga proyekto sa imprastruktura, kabilang na ang farm-to-market roads na pinondohan ng pambansang pamahalaan.

Isasailalim umano sa imbestigasyon ang implementasyon ng mga proyektong ito upang matiyak ang tamang paggamit ng pondo, sa pangangasiwa ng mga opisyal mula sa national government na may oversight function.

Ayon kay Tamayo, positibong hakbang din ang pakikipag-ugnayan ni Secretary Vince Dizon sa mga lokal na opisyal at alkalde sa bansa para sa patuloy na pagpapaunlad ng mga lokal na pamahalaan.