DAGUPAN CITY–Nanindigang si Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG Chairman Engr. Rosendo So na dapat masampahan ng kaso ang biyahero ng baboy na nagpositibo sa African Swine Fever mula sa lalawigan ng Bulacan sa bayan ng Mapandan dito sa Pangasinan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay So, nararapat lamang itong maparusahan lalo’t malaking perwisyo ang ginawa ng naturang biyahero lalo na sa mga nag-aalaga ng baboy sa nabanggit na bayan na naapektuhan.
Batid naman na aniya na ipinagbabawal ang pagpasok ng baboy sa lalawigan dahil sa banta ng ASF ay nagawa pa nitong ipuslit ang mga naturang baboy.
Dahil din aniya sa kaniyang ginawa ay maaring maapektuhan ang hog raising sektor sa probinsiya.
Sa hiwalay naman pahayag sinabi ni Provincial Legal Officer Atty. Geraldine Baniqued na handa namang tulongan ng pamahalaang panlalawigan ang mga apektadong may-ari ng mga baboy na nasa 1 kilometer radius mula sa lugar na kinaroroonan ng mga baboy na may ASF.