DAGUPAN CITY- Lumakas na bilang Tropical Storm ang dating Tropical Depression “Bising”, ayon sa ulat ng PAGASA.

Iniulat ng PAGASA na huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Bising sa layong 415 km hilagang-kanluran ng Calayan, Cagayan, dakong alas-11:00 ng gabi kahapon.

Taglay nito ang hanging may lakas na 65 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph.

--Ads--

Inaasahang kikilos ang bagyo pahilagang-kanluran ngayong gabi hanggang bukas ng umaga, bago lumiko pa-hilagang-silangan sa karagatang kanluran ng Extreme Northern Luzon.

Posibleng muling pumasok sa western boundary ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng madaling-araw, Hulyo 7, at muling lalabas sa northern boundary ng PAR sa hapon ng parehong araw.

Itinaas ang kategorya ni Bising bilang tropical storm bandang alas-8:00 ng gabi kahapon, at ayon sa PAGASA, posible pa itong lumakas bilang Severe Tropical Storm sa darating na Linggo, Hulyo 6.