Dagupan City – Idineklara na ng Sangguniang Panlungsod ang State of Calamity sa Dagupan City dahil sa malawakang pagbaha at pinsalang dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, na pinalala ng Tropical Storm “Maymay.”
Ayon kay Dagupan City Vice Mayor Bryan Kua, ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ang Resolution No. 8729-2026 sa ika-37 Regular Session nito noong Agosto 10, 2026.
Batay sa resolusyon, nakaranas ang lungsod ng malalakas at walang tigil na pag-ulan mula pa noong Agosto 3, na nagresulta sa malawakang pagbaha sa ilang lugar.
Kabilang sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng tubig ang pag-apaw ng Sinucalan River, na nagdala ng malaking volume ng tubig patungo sa Dagupan City, kasabay ng mataas na tubig sa drainage outlet patungong Lingayen Gulf.
Samantala, ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO, hanggang alas-4 ng hapon noong Agosto 9, 23 barangay ang nananatiling binabaha, kung saan umabot sa 3.2 talampakan ang water level sa ilang lugar.
Umabot naman sa 22,047 pamilya o 90,015 indibidwal mula sa 31 barangay ang naapektuhan ng pagbaha.
Nakataas din sa Orange Alert Level ang Pantal River simula alas-8 ng umaga noong Agosto 9. Dahil dito, ilang pangunahing kalsada, kabilang ang Mayombo–Caranglaan Road at Zamora Extension, ang hindi madaanan ng mga light vehicle.
Sa ilalim ng State of Calamity, maaari nang gamitin ang Quick Response Fund (QRF) mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund upang agad na matugunan ang mga pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.
Kasama rin sa mga hakbang ang pagpapatupad ng price control sa basic necessities at prime commodities, mahigpit na monitoring laban sa overpricing at profiteering, gayundin ang paglalaan ng pondo para sa pagkukumpuni at safety upgrading ng mga pampublikong imprastraktura.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa mga binahang lugar at ang kondisyon ng mga ilog at pangunahing kalsada sa lungsod.










