DAGUPAN CITY- Malinaw na paglabag sa pang-aabuso sa mga kababaihan at alituntunin ng Commission on Election (COMELEC) sa maayos na pangangampanya ang kamakailang nagviral na kandidato sa Pasig City dahil sa kahalayan na biro nito sa mga single mother.

Gayundin sa reelectionist governor sa Misamis Oriental na nagbiro naman hinggil sa mga nursing students.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Carlos Conde, Senior Researcher ng Human Rights Watch, nakababahala ang paglabas ng ‘mysogynistic’ na biro ng mga kumakandidato upang aliwin lamang ang publiko.

--Ads--

Aniya, nararapat lamang ang aksyon na ginawa ng COMELEC upang tugunan ito at hindi na tularan pa ng iba o susunod pang mga kakandidato.

Malinaw din kase sa ilalim ng resolusyon ng COMELEC na ipinagbabawal ito sa pangangampanya.

Magiging pagkakataon na rin ito ng ahensya na ipakita ang kanilang kredibilidad sa halalan, maliban sa pagpapatupad sa patas at totoong pagbibilang ng mga boto sa halalan.

Kung hinayaan lamang ito ay magkakaroon ng epekto sa demokrasya at mawawalan ng pagpapahalaga sa mga nadawit sa biro.

Gayunpaman, hindi inaasahan ni Conde na aatras ang mga ito dahil sa nangyaring issue at hihintayin lamang nila na humupa ang init nito.