Dagupan City – Nalampasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Region I ang target nitong koleksyon para sa 2024 matapos makalikom ng P23.6 billion, mas mataas ng P1.2 billion sa itinakdang P22.4 billion. Ito ay katumbas ng 5.43% na pagtaas sa target.
Ayon kay Marcelito Caday Jr. ng Office of the Regional Director, malaki ang naging kontribusyon ng mga Revenue District Offices sa Laoag City, Vigan City, San Fernando City, at tatlong distrito sa Pangasinan sa tagumpay ng koleksyon. Aniya, ang national government ang nagtatakda ng koleksyon target para sa bawat rehiyon sa pamamagitan ng Budget Coordinator Council.
Sa nakalipas na mga taon, patuloy na lumalagpas sa target ang BIR Region I, mula P19.3 billion hanggang P23.6 billion, na may 22.2% pagtaas sa kabuuang koleksyon. Karamihan sa nakalap na buwis ay mula sa government projects o “government money payments,” habang malaki rin ang naitulong ng food, trading, retail, at construction industries.
Isa sa mga hamon ng ahensya ay ang pagpapanatili ng compliance ng taxpayers, lalo na sa mga proyekto ng gobyerno at pribadong sektor.
Ang mga negosyo sa Dagupan at Laoag City ay naapektuhan ng konstruksyon at kalamidad, dahilan ng bahagyang pagbaba ng kanilang buwis. Gayunpaman, nananatiling pinakamalaking revenue collector sa rehiyon ang San Fernando City.
Patuloy na tinututukan ng BIR ang iba’t ibang industriya, kabilang ang turismo at hospitality sector, upang mapalakas ang koleksyon. Sa kabila ng mga hamon, ipinagmamalaki ng BIR Region I ang kanilang tagumpay at determinadong pagbutihin pa ang sistema ng buwis sa mga susunod na buwan.