Dagupan City – Dumepensa si Binmaley Vice Mayor Simplicio ‘Sammy’ Rosario sa P7.8Milyon na disallowances sa naging proyekto at nanindigang handa itong humarap sa ombudsman.

Ayon kay Rosario, P4 Milyon lamang ang disallowances at walang katotohanan ang higit sa P7Milyon na ipinupukol sa kanya.
Giit nito, ang disallowances ay resulta ng hindi pagsama ng backfilling at finishing ng proyekto sa mga nailistang pinaggamitan ng budget.

Matatandaan na nilinaw ni Rosario na ang pondong ginamit sa proyekto ay mula sa na-solicit na P15M sa Opisina ni Sen. Nancy Binay noong siya ay alkalde ng bayan.

--Ads--

Ang proyekto ay isang multi-purpose hall batay sa sulat ngunit kalaunan ay napagdesisyunang gamitin sa pagpapatayo ng 3-story Binmaley Central 1 School Building.

Dagdag pa ng Bise Alkalde na ang disallowances sa mga proyekto sa gobyerno ay normal lamang na kalakaran.

Samantala, handa naman na aniya siyang humarap sa Ombudsman sa Hunyo 19, 2024 kung saan ay makakasama niya ang kaniyang dating katuwang na Engineer at ang mga complainant.

Dagdag pa nito, nais lamang bigyang diin ng kasalukuyang administrasyon sa mga disallowances sa kanyang panunungkulan dati na siya ay magnanakaw sa kaban ng bayan kung kaya’t kailangan sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.