DAGUPAN CITY- Kinilala ang Bayan ng Binmaley matapos nitong matanggap ang Silver Seal of Protection, isang patunay na maayos at ligtas na napangangalagaan ang mga pag-aari at yaman ng munisipalidad.

Sa panayam, binigyang-diin ni Mayor Pedro Merrera III na ang Silver Seal of Protection ay nagsisilbing indikasyon na nananatiling maayos at nasa tamang direksyon ang pamamahala sa assets at pondo ng bayan.

Iginiit niya na inuuna ng lokal na pamahalaan ang interes ng mamamayan at tinitiyak na lahat ng gastusin at paggalaw ng pondo ay dumadaan sa wastong proseso.

--Ads--

Pinahalagahan ng alkalde ang responsibilidad na bantayan at pangalagaan ang pera ng bayan, dahil ito ay itinuturing na pag-aari ng mga residente at hindi ng sinuman sa pamahalaan.

Gayunpaman, kinilala niya na may mga hamon pa ring kinahaharap ngunit nagpapatuloy ang kanyang administrasyon sa pagsisikap na maipaayos ang mga kailangan pang ayusin sa munisipyo.

Inilahad din ni Mayor Merrera na nagpapatuloy ang paghahatid ng serbisyo sa kabila ng kakulangan ng kooperasyon mula sa ilang barangay officials.

Tiniyak niyang patuloy ang pagkilos ng pamahalaang lokal upang maibigay ang nararapat na serbisyo para sa kapakanan ng mga taga-Binmaley.

Nagpahayag ng pasasalamat ang alkalde sa tiwala ng kanyang mga kababayan at binigyang-diin na ang pagkamit ng Silver Seal of Protection ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng pamahalaang bayan at ng mamamayan, lalo na sa pagpapanatili ng katapatan at integridad sa pamamahala.

Sa pagkilalang ito, lalo pang tumitibay ang paninindigan ng Binmaley para sa patuloy na mabuting pamamahala at responsableng paggamit ng yaman ng bayan.