Patuloy ang ginagawang monitoring ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley sa mga lugar na apektado ng walang tigil na pag-ulan, partikular sa mga low-lying areas, habang inihahanda ang mga kinakailangang tulong para sa mga residente.
Ayon kay Mayor Pedro A. Merrera III, hindi maaaring maging kampante ang lokal na pamahalaan dahil maaari pa ring magkaroon ng mga hindi inaasahang pag-ulan at iba pang epekto ng masamang panahon kahit tila bumubuti na ang sitwasyon. Inatasan na rin ang mga barangay officials na regular na mag-ikot at tukuyin ang mga lugar at pamilyang higit na nangangailangan ng tulong.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga barangay officials, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at iba pang tanggapan ng munisipyo para sa assessment ng mga apektadong lugar. Nagsagawa rin ang lokal na pamahalaan ng urgent meeting upang paghandaan ang posibleng paglala ng sitwasyon at masuri ang kalagayan ng bawat barangay.
Samantala, nakahanda na ang relief operations ng munisipyo sakaling patuloy na lumala ang epekto ng pag-ulan. Sinisikap din ng lokal na pamahalaan na makakuha ng karagdagang ayuda mula sa national government dahil limitado ang pondo ng bayan para sa pagtugon sa malawakang pangangailangan ng mga residente.
Apektado rin ng patuloy na pag-ulan ang kabuhayan ng ilang Binmaleynians, lalo na sa mga lugar na nakararanas ng mataas na tubig at pagbaha. Gayunman, patuloy na nagsusumikap ang mga residente na maipagpatuloy ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay sa kabila ng epekto ng kalamidad.
Hindi rin isinasantabi ng alkalde ang posibilidad na isailalim sa State of Calamity ang Binmaley. Gayunman, hinihintay pa ng lokal na pamahalaan ang kumpletong ulat mula sa 33 barangay upang matukoy ang lawak ng pinsala at porsyento ng mga lugar na naapektuhan. Magsisilbing batayan ang mga datos mula sa barangay officials, MDRRMO, Municipal Engineering Office at iba pang tanggapan ng munisipyo.
Samantala, binigyang-diin din ni Merrera ang epekto ng matagal na suspensyon ng klase sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang. Bagama’t mahalaga ang kaligtasan ng mga bata, nais din ng mga magulang na makabalik sila sa paaralan upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Isinasagawa rin ang assessment sa mga paaralang maaaring naapektuhan ng pagbaha upang matukoy ang kinakailangang recovery at repair measures.
Muling pinaalalahanan ng alkalde ang mga residente na manatiling alerto, iwasang lumusong sa baha at manatili muna sa ligtas na lugar kung hindi kinakailangang lumabas ng bahay. Mahalaga rin aniyang maging mapagmatyag sa mga posibleng panganib sa paligid na maaaring lumala dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.










