DAGUPAN CITY- Nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa bayan ng Binmaley, Pangasinan habang papalapit ang nakatakdang halalan.
Sa pagtutok ng mga awtoridad, tiniyak ng Binmaley Philippine National Police na handa sila sa seguridad ngayong eleksyon.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Resty Santos, hepe ng Binmaley PNP, aabot sa 33 voting precincts ang kanilang babantayan.
Magkakaroon ng tig-dadalawang pulis sa bawat voting center upang tiyakin ang maayos na daloy ng botohan.
Bagamat may mga natatanggap na ulat ng umano’y vote buying sa ilang bahagi ng bayan, nilinaw ni Santos na patuloy pa rin ang malalimang imbestigasyon para mapatunayan ang mga paratang.
Dagdag pa niya, hindi ito dapat maging dahilan upang mawalan ng tiwala ang publiko sa integridad ng halalan.
Samantala, ipinatupad na kaninang alas-dose uno ng madaling araw ang nationwide liquor ban.
Sakop nito ang pagbabawal sa pagbebenta, pagbili, at pag-inom ng anumang uri ng alak. Layon nitong maiwasan ang posibleng kaguluhan habang isinasagawa ang botohan.
Hinikayat ni Santos ang lahat ng botante na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga umiiral na alituntunin, at iwasan ang anumang uri ng kaguluhan upang maging ligtas at maayos ang halalan sa Binmaley.