Dagupan City – Pinaigting ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang mga paghahanda at pag-iingat laban sa posibleng pagbaha bunsod ng patuloy na pagmamanman sa lagay ng panahon, pag-ulan, at antas ng mga ilog at sapa sa lugar.
Sa inilabas na Public Emergency Advisory No. 01, Series of 2026, hinikayat ang lahat ng residente na manatiling mapagmatyag, handa, at maingat, lalo na ang mga nakatira sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha.
Pinayuhan ang mga residente na regular na subaybayan ang mga opisyal na abiso mula sa PAGASA, Municipal Government of Binmaley, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, Provincial DRRMO, at mga opisyal ng barangay.
Hinimok din ang mga pamilya na maghanda ng emergency o go bag, ilagay sa ligtas na lalagyan ang mahahalagang dokumento, at ilipat sa mas mataas na lugar ang mahahalagang kagamitan, sasakyan, alagang hayop at iba pang ari-arian habang ligtas pa itong gawin.
Partikular ding binigyang-diin ang kaligtasan ng mga bata, senior citizen, buntis, persons with disabilities, at iba pang nangangailangan ng espesyal na atensyon sakaling kailanganin ang paglikas.
Nagbabala naman ang lokal na pamahalaan laban sa pagtawid, paglangoy, o pagmamaneho sa mga kalsadang lubog sa baha. Pinayuhan ang publiko na huwag subukang tumawid sa baha kahit may naunang sasakyan nang nakatawid.
Hinimok ding mag-ingat sa mga kable at kagamitang elektrikal at patayin ang pangunahing suplay ng kuryente kung ligtas itong gawin.
Pinayuhan ang mga residente na panatilihing may sapat na charge ang kanilang mga cellphone, power bank, radyo, at iba pang kagamitan para sa komunikasyon.
Samantala, mahigpit na pinaalalahanan ang mga magulang na bantayan ang mga bata at huwag silang hayaang maglaro o lumapit sa mga ilog, sapa, kanal, drainage, baha, at baybaying-dagat habang mapanganib ang kondisyon ng panahon.
Ang mga mangingisda at residente sa mga coastal area ay pinayuhan ding patuloy na subaybayan ang lagay ng panahon at dagat at iwasang pumalaot kung hindi ligtas.
Hinimok din ang publiko na sumunod sa mga abiso ukol sa road closure, mga harang sa kalsada, at mga tagubilin ng PNP, MDRRMO, BFP, barangay officials, at iba pang awtorisadong personnel.
Samantala, inatasan ang mga barangay na patuloy na mag-monitor at agad na mag-ulat sakaling magkaroon ng mabilis na pagtaas ng tubig, pag-apaw ng mga ilog at kanal, mga kalsadang hindi madaanan, pinsala sa imprastraktura, pagguho ng lupa, mga na-stranded, at iba pang sitwasyong maaaring magdulot ng agarang panganib.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na dapat laging unahin ang kaligtasan ng buhay at huwag ipagsapalaran ang sarili para lamang mailigtas ang mga ari-arian.










