DAGUPAN CITY- Nagpatuloy ang 24/7 operasyon ng Binmaley Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa Officer-in-Charge na si Armenia Delos Angeles, nananatiling nakahanda ang kanilang tanggapan para rumesponde sa anumang uri ng emergency.
Sa mga nagdaang bagyo, umabot aniya sa 341 indibidwal mula sa higit 90 pamilya ang kinailangang lumikas at pansamantalang nanirahan sa evacuation centers.
Karamihan sa mga evacuees ay nagmula sa mga coastal at low-lying areas ng Binmaley na madalas tamaan ng pagbaha at storm surge.
Bilang bahagi ng kanilang kahandaan, regular na nagsasagawa ang MDRRMO ng mga earthquake at fire drills sa mga paaralan, at aktibong nakikipag-ugnayan sa mga barangay kapitan upang matiyak ang mabilis na koordinasyon tuwing may emergency.
Samantala, bukas din ang kanilang hotline sa mga oras ng pangangailangan upang agad maipadala ang tulong sa mga apektadong lugar.
Patuloy ang pagpapatibay ng Binmaley MDRRMO sa kanilang mga programa at istratehiya upang mapanatiling ligtas ang komunidad sa harap ng banta ng kalikasan.