Dagupan City – Kabilang ang Bayan ng Binmaley sa Top 30 mula sa 116 na munisipalidad sa Region 1 na may pinakamataas na Locally Sourced Revenue (LSR) para sa unang quarter ng 2026.
Ang pagkilalang ito ay nagpapakita ng patuloy na pag-unlad ng bayan sa larangan ng pangangalap ng lokal na kita at mahusay na pamamahala sa pananalapi.
Ayon sa Pamahalaang Bayan ng Binmaley, ang naturang tagumpay ay bunga ng patuloy na pagpapatupad ng responsable at mahusay na pamamahala, maayos na pangangasiwa sa pananalapi, at mga programang naglalayong isulong ang pangmatagalang kaunlaran ng munisipalidad.
Malaki rin ang naging ambag ng mga residente, negosyante, at iba pang sektor sa patuloy na paglago ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang pakikiisa at pagtupad sa mga obligasyon sa pamahalaan.
Dahil dito, mas napalalakas ang kakayahan ng lokal na pamahalaan na pondohan ang iba’t ibang programa at proyektong makikinabang ang mamamayan.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang mataas na Locally Sourced Revenue ay nagsisilbing mahalagang batayan sa pagpapalawak ng mga serbisyo publiko at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura, pangkabuhayan, pangkalusugan, at iba pang programa para sa kapakanan ng mga Binmalenian.
Nagpasalamat ang Pamahalaang Bayan ng Binmaley sa patuloy na suporta at pakikiisa ng bawat mamamayan sa pagsusulong ng kaunlaran ng bayan. Sa pagtutulungan ng pamahalaan at ng komunidad, layunin nitong mapanatili ang mahusay na pamamahala at higit pang mapaunlad ang Binmaley sa mga susunod na taon.










