Patuloy ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) Binmaley para sa nakatakdang filing ng Certificate of Candidacy (COC) sa darating na Lunes habang hinihintay ang magiging susunod na hakbang kaugnay ng usapin sa halalan.

Ayon kay Estrella Cave, COMELEC Officer IV ng Binmaley, nagpapatuloy ang kanilang election preparations at sinusunod ang kasalukuyang election calendar of activities dahil wala pa umanong naipapasang bagong batas na magbabago sa itinakdang proseso. Isasagawa rin ang briefing ng mga kawani upang matiyak ang kahandaan para sa filing.

Para sa Binmaley, hindi paghihiwalay-hiwalayin ang 33 barangay sa magkakaibang araw ng filing. Sa halip, lahat ng maghahain ng COC ay unang pupunta sa training center para sa paunang pagsusuri ng kanilang dokumento at pagkuha ng queue number bago magtungo sa lugar ng aktuwal na filing.

--Ads--

Layunin ng sistema na maiwasan ang kalituhan sa pila at maprotektahan din ang mga kandidato laban sa masamang panahon. Nakipag-ugnayan na rin ang COMELEC sa PNP para sa seguridad at organisasyon ng filing, gayundin sa Local Civil Registrar at Treasurer’s Office para sa birth certificate at documentary stamp requirements.

Kung walang available na documentary stamp, maaari itong bayaran sa Treasurer’s Office at bibigyan ng resibo bilang patunay ng bayad. Nakatakda ring makipagpulong muli ang COMELEC sa PNP upang plantsahin ang security arrangements para sa Lunes.

Samantala, nagsagawa rin ang COMELEC Binmaley ng voter’s education activity sa Binmaley School of Fisheries para sa mga estudyante. Tinalakay dito ang kahalagahan ng pakikilahok ng kabataan sa halalan at hinikayat ang mga kwalipikadong kabataan na isaalang-alang ang pagtakbo sa Sangguniang Kabataan.