Itinigil na ng Commission on Elections (COMELEC) sa Binmaley ang lahat ng aktibidad kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026 matapos ilabas ang minutes ng Commission en Banc hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12326.

Ayon kay Estrella Cave, Binmaley COMELEC Officer IV, kabilang sa itinigil ang lahat ng election activities para sa Nobyembre 2, 2026, pati ang mga dating ipinagbabawal sa ilalim ng calendar of activities na lifted na rin.

Kasama rin sa discontinuation ang printing ng Approved and Posted Computerized Voters List (ACVL) at Posted Computerized Voters List (PCVL), pending procurement para sa BSKE, at iba pang paghahanda. Ang mga election forms, supplies at paraphernalia na na-print o na-procure na ay dapat maayos na itago at ingatan para sa posibleng paggamit sa hinaharap.

--Ads--

Dahil dito, hindi na rin matutuloy ang nakatakdang filing ng Certificate of Candidacy (COC) na magsisimula sana sa Setyembre 28. Sinabi ni Cave na nakahanda na ang kanilang tanggapan para sa filing, kabilang ang mga log sheet at iba pang kinakailangang dokumento, bago inilabas ang bagong kautusan.

Samantala, ipagpapatuloy ang voter registration para sa 2028 National and Local Elections simula sa ikalawang linggo ng Nobyembre 2026. Ayon sa COMELEC, ang susunod na BSKE ay isasagawa sa ikalawang linggo ng Nobyembre 2028.

Ipinunto rin ni Cave na may mga probisyon sa batas na maaaring pagbatayan ng mga mamamayan kaugnay ng mga usapin sa mga incumbent barangay officials, bagama’t ang mga ganitong usapin ay saklaw na rin ng kaukulang tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Samantala, sinabi ni Barangay Captain Tede Torrente ng Barangay Canaoalan na nais sana niyang matuloy ang halalan upang magkaroon ng pagkakataong subukan at ipagpatuloy ang mga nais niyang gawin para sa barangay. Gayunman, tinanggap niya ang naging desisyon at sinabi niyang hihintayin na lamang ang susunod na halalan sa 2028.