Problema sa pag-iisip.

Ito ang itinuturong dahilan na nagtulak sa isang 17 anyos na binatilyo sa Iowa na kinilalang si Dylan Butler upang mamaril ng anim na katao sa unang araw ng kanilang pasukan kung saan isa ang kumpirmadong nasawi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pinoy Legarda Gonzales, Bombo International News Correspondent mula sa United States of America, hindi pa matukoy ng mga otoridad kung ano ang naging motibo ng suspek sa krimeng kaniyang ginawa.

--Ads--

Mahirap aniyang gawan ng espekulasyon ang kasong ito dahil matapos mamaril ng suspek ay sinunod naman niya ang kaniyang sarili.

Kaugnay pa nito, hindi pa malaman kung sino ang may-ari ng pistol na ginamit ng suspek sa pamamaril.

Hindi kasi aniya gaanong strikto ang America sa kung sino ang pahihintulutan nitong maghawak ng baril, basta may driver’s license ay maaari na umanong humawak ng baril.

Gayunpaman, hindi pa rin naman umano tumitigil ang mga otoridad sa pagsasagawa ng imbestigasyon upang magkaroon ng kalinawan ang nangyaring krimen.