DAGUPAN, CITY— Patay ang isang binatilyo habang maswerteng nailigtas ang tatlong kasamahan nito matapos mabagsakan ng sanga ng punongkahoy habang nangunguha ng sampaguita sa mabundok na bahagi ng Brgy Malabobo sa bayan ng Mangatarem.
Ayon kay PMaj. Allan Emerson Dauz, hepe ng Mangatarem PNP, nagtungo sa nasabing bundok ang apat na kabataan upang manguha ng nabanggit na halaman na kanila sanang ibebenta.
Ngunit sa di inaasahan ay aksidenteng naputol ang kahoy at tumama sa 14 anyos na binatilyo na naging dahilan naman ng agarang pagkamatay nito.
Dahil rin sa laki ng bumagsak na kahoy ay na stranded ang mga biktima sa bundok hanggang sa nahirapan ng makaalis ang mga ito.
Bunsod ng insedente ay agad na nakipag-ugnayan ang punong brgy ng Malabobo sa mga otoridad at agad na nagsagawa ng rescue and retrieval operations upang mailigtas ang mga biktima.
Tumagal naman ng halos walong oras ang ginawang pag rescue sa mga biktima dahil pahirapan na makatawid at makaakyat ang mga otoridad dahil bukod sa matarik ay mabato din ang daan.
Nang makarating na mismo sa lugar ay doon na nakita ang mga kabataan kasama narin ang bangkay ng isa sa mga ito.
Dagdag pa ni Dauz, naabutan ang tatlong biktima na nasa state of shock pa kaya naman agad silang nilapatan ng paunang lunas at binigyan din ng tubig at pagkain bago naman iuwi ang mga ito sa kanilang mga bahay.
Sa impormasyon, napag alaman naman na nakatira lamang ang mga biktima malapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Kaugnay rito ay nagpaalala naman ang otoridad na maging maingat sa pag akyat sa mga bundok upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente. (with reports from: Bombo Mariane Esmeralda)