BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang isang binata matapos malunod sa Agno River sa Brgy. Caturay Norte, sa bayan ng Mangatarem dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay police major Ramsey Ganaban, Chief of police ng Mangatarem PNP, ang biktima ay nakilalang si King Rayjohn Valdoz Sison, 31 taong gulang, binata, may mental illnessm, epileptic at residente ng Brgy. Ambayat 1st, sa bayan ng Bayambang.

Sa kanilang imbestigasyon, nakita ang biktima ng mangingisda na si Sammy Caingal Perez, 33 taong gulang, binata at residente ng Brgy. Caturay Norte, sa nasabing bayan na lumulutang nang nakadapa at wala nang buhay.

--Ads--

Hinila ni Perez ang biktima patungo sa pampang ng ilog at humingi ng tulong.

Sa salaysay ng kanyang kapatid na si Dharyl Valdoz Sison, 29 taong gulang, may asawa, at residente rin ng Brgy. Ambayat 1st, umalis ang kanyang kapatid nang walang paalam.

Napag-alaman mula sa kanyang pamilya na mahilig umanong gumala ang biktima partikular sa nasabing ilog.

Posibleng inatake umano ng kanyang karamdaman ang biktima, nadulas sa ilog at nalunod.