Dagupan City – Tinawag na “misleading” o nakalilinlang ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ukol sa pagkakaroon ng “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So ng Chairman ng SINAG, ang naturang presyo ay bahagi lamang ng subsidized program ng gobyerno at hindi ito sumasalamin sa aktwal na presyo ng bigas sa merkado.
Sa katnuayan aniya, ang kasalukuyang presyo ng palay ay halos kapareho lang ng presyo sampung taon na ang nakalilipas, na siyang nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka.
Dito na binigyang diin ni So na nakakabahala ang ginagawa nilang impormasyon dito sa bansa.
Dahil sa kung titingnan ang aktwal na kalagayan ay nasa 2% lamang ng lokal na produksyon ang binibili ng National Food Authority (NFA).
Giit niya, dapat ay tumutugma ang ipinapahayag ng pamahalaan sa SONA at ang datos mula sa Department of Agriculture (DA).
Ani So ang budget ng Departamento ay nasa P5 bilyon, na batay sa international price ng bigas — isang alanganing basehan lalo na kung ikukumpara sa aktwal na gastos ng lokal na produksyon.
Isa namang nakikitang solusyon nito ay dapat na ibalik ang taripa ng imported na bigas mula sa kasalukuyang 15% patungong 35%.
Sa ganitong paraan aniya, magiging basehan ng mga rice traders ang landed cost ng bigas mula sa ibang bansa na makatutulong upang tumaas ng humigit-kumulang P3 ang bili sa palay ng mga lokal na magsasaka, na maaaring magpabuti sa kanilang kita at kabuhayan.