DAGUPAN CITY- Nakiisa ang mga tauhan ng Binalonan Police Station sa isang mahalagang pagpupulong na inihanda ng Commission on Elections (COMELEC) Binalonan kaugnay sa nalalapit na National at Local Elections sa darating na Mayo 2025.
Pinangunahan ito ni Mr. Francis Balderas ang Election Officer III ang nasabing briefing kung saan binigyang-diin ang mga mahahalagang alituntunin at mga paghahandang dapat gawin ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang isang mapayapa, ligtas, at maayos na halalan.
Layunin ng aktibidad na ito na ipaalala sa mga tauhan ng pulisya ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad, pati na rin ang kahalagahan ng pagiging neutral at pagsunod sa batas sa buong panahon ng eleksyon.
Muli nilang napag-aralan ang mga protocol na dapat sundin upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa panahon ng halalan.
Ipinahayag ng COMELEC ang kanilang pasasalamat sa kooperasyon ng Binalonan Police Station at naniniwala silang magiging susi ang kanilang aktibong pakikilahok sa tagumpay ng darating na halalan.