Muling pinatuyan ng TV host at aktor na si Billy Crawford ang kanyang galing sa international stage matapos tanghaling kampeonato sa Season 9 ng Mask Singer France noong Linggo, Hunyo 28.

Sa Instagram post ng Mask Singer, ibinahagi nito ang pag-awit ni Billy ng “Beat It,” na orihinal na inawit ng tinaguriang “King of Pop” na si Michael Jackson, ang naging kaniyang winning performance sa grand finale.

Hinangaan din si Billy ng French audience sa kaniyang mga performance ng iba’t ibang French at English songs sa buong season, kabilang ang “Le Portrait,” “I Feel Good,” at “Uptown Funk.”

--Ads--

Sa isang tribute message na ibinahagi niya, pinasalamatan ni Billy ang buong Mask Singer production team sa pagpapanatiling lihim ng kaniyang pagkakakilanlan sa loob ng isang buwan bago isiwalat na siya ang nasa likod ng karakter na “L’Ane” o donkey.

“Thank you to my @masksinger_tf1 family for keeping me a secret for a whole month! Thank you to the costume designers for your incredible patience and for the countless adjustments you made along the way,” ani Billy.

Ibinahagi rin niya na espesyal ang karakter na “L’Ane” dahil pinili niya ito para sa kaniyang anak na si Amari.

“L’Ane was a very special character to me because I chose it with my son Amari in mind. I figured if he loved it, everyone else would too!” dagdag niya.

Kasunod ng kaniyang tagumpay, bumuhos ang pagbati mula sa kaniyang mga tagahanga sa Pilipinas at iba pang bansa, gayundin mula sa ilang personalidad sa industriya, kabilang ang si “King of Pinoy R&B” Jay R.

Matatandaang si Billy ang naging host ng Masked Singer Pilipinas noong 2020 at muling bumalik sa programa noong 2025.

Hindi ito ang unang malaking tagumpay ni Billy sa France. Noong 2022, nasungkit din niya ang kampeonato sa French edition ng Dancing with the Stars.

Nakatulong din sa kaniyang kasikatan sa bansa kasunod ng kanyang tagumpay sa hit single song nitong “Trackin’” noong 2002, na nagbigay sa kaniya ng fan base sa France.