Tumaas ng 1,330 percent ang bilang ng mga tinamaan ng sakit na tigdas sa buong Region I ayon na rin sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH), habang umakyat naman sa 28 ang naitalang namatay, kung saan lahat ng mga ito ay galing sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay John Lee Gacusan, Program Manager ng National Immunization Program ng DOH Region I, sa kanilang pinakahuling datos na nakuha ay mayroon nang 1,130 na kaso ng tigdas ang naitala sa buong rehiyon mula sa buwan ng Enero hanggang sa buwan ng Marso.
Malayong mas mataas ito sa 79 kaso lamang na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Subalit ayon naman dito, kung pagbabatayan ang arawang bilang ng mga kaso ng tigdas na naitatala sa mga pagamutan ay pababa naman na ang bilang ngayong buwan ng Marso, kumpara ng mga nakaraang buwan.
Kaya naman, umaasa sila na matapos na ang problema sa tigdas, bagamat giit din nito na hindi tumitigil ang kanilang hanay at kanilang mga kasama sa pagbibigay parin ng mga bakuna kontra sa tigdas.