DAGUPAN CITY- Lumobo pa sa 1,143 pamilya ang natukoy na apektado sa pag-alburuto ng bulkang Mayon, batay sa monitoring ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay katumbas ng 4,139 katao mula sa 13 pangunahing apektadong barangay.

Ayon sa ahensiya, kabuuang 1,128 na pamilya na ang nasa loob ng mga binuksang evacuation center habang 15 pamilya ang mas piniling pansamantalang makitira sa kanilang mga kaanak at kakilala.

--Ads--

Nakapaghatid na rin ang ahensiya ng mahigit P6 million na halaga ng tulong habang nananatiling available ang mahigit P3.1 billion na halaga ng relief supplies para sa mga biktima ng kalamidad.

Sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-alburuto ng bulkang Mayon, wala pa namang mga tahanan na natukoy na nasira o nawasak.

Patuloy ding pinaghahandaan ng DSWD ang posibilidad ng pagtaas pa ng bilang ng mga apektado at ililikas na pamilya, habang nagpapatuloy ang mga aktibidad ng naturang bulkan.