Umabot na sa 29 ang bilang ng mga indibidwal na kumpirmadong nasawi dahil sa kalamidad, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kabilang sa dahilan ng kanilang pagkasawi ay dahil sa pagkakuryente, pagkalunod sa kasagsagan ng baha, nadaganan ng mga gumuhong lupa, istraktura, at punongkahoy.

Maliban sa mga nasawi, patuloy ding pinaghahanap ang tatlong indibidwal na ilang araw nang naiulat na nawawala.

--Ads--

Umakyat na rin sa 19 na indibidwal ang natukoy na nasugatan.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 6.5 million indibidwal ang natukoy na apektado sa mga serye ng kalamidad, na katumbas ng 1.8 million pamilya.

Ang mga ito ay mula sa 11 rehiyon.

Lumobo na rin sa P4.66 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang umabot sa P1.42 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura, ngunit patuloy pa ring sinusuri ang lawak ng pinsala sa dalawang nabanggit na sektor.

Ang naturang damage report ay batay lamang sa epekto ng nagpapatuloy na umiiral na hanging habagat, bagyong Luis, at bagyong Maymay, habang nagbabanta rin ang panibagong sama ng panahon sa labas ng bansa.