Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga nasawi sa probinsya ng Cebu matapos itong yanigin ng Magnitude 6.9 na lindol dakong 9:59 kagabi.

Ayon sa Cebu Capitol PIO, as of 5:30 kaninang madaling araw, ang mga nasawi ay kinabibilangan ng 9 na matanda at 4 na bata sa Bogo City at 5 naman sa San Remigio na ngayon ay isinailalim na sa state of calamity. Isa sa mga biktima ay miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) habang ang tatlong iba pa ay mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG).

Naglalaro kasi ng basketball ang BFP at PCG sa loob ng sports complex bago tumama ang magnitude 6.9 na lindol.

--Ads--

Samantala, hindi napigilan na magkagulo ang libo-libong katao sa nasabing probinsya dahil sa panic.

Kabilang sa mga pinsala ay ang gumuhong Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan, Cebu, at nasira ang ilang bahagi ng simbahan.

Samantala, sa Bogo City, Cebu, kung saan ang sentro ng lindol, isang sikat na fast food chain ang napinsala at nasaksihan ng mga motorista ang malalaking bitak sa mga kalsada.

Samantala, pansamantalang nagtitipon din sa labas ang mga pasyente at ilang medical staff ng Cebu City Medical Center hospital sa Cebu City matapos ang malagim na lindol, kung saan 3 katao ang kumpirmadong nasugatan.

Naglabas din ng pahayag si Cebu City Mayor Nestor Archival na humihimok sa mga tao na manatiling kalmado sa sitwasyon, kahit na may inaasahang aftershocks.

Gayunpaman, iilan sa mga paaralan sa Cebu City, Mandaue at iba pa ay nagdeklarang walang klase ngayong araw, Oktubre 1.

Samantala, sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu News Team kay Joel Erestain, ang Regional Director ng Office of the Civil Defense – 7, sinabi nito na ang Hilagang bahagi ng Cebu ang pinaka-naapektuhan ng lindol, ngunit wala pa ring eksaktong datos kung may nasawi o bilang ng mga nasugatan, lalo na at ideniklara ang pagtaas ng magnitude ng lindol na mula sa dating 6.5 hanggang 6.9.

Patuloy ang isinasagawang search and rescue operations ng mga awtoridad at inaasahang tataas ang bilang ng mga biktima.