DAGUPAN CITY- Umabot na sa higit-kumulang 1 million na populasyon sa lalawigan ng Pangasinan ang nakarehistro na sa PhilHealth Konsulta Program o ang GUIKonsulta.

Ayon kay Vice Gov. Mark Ronald Lambino, ito ang bilang na kanilang naitala sa loob ng 6 na buwan na implementasyon nito.

Aniya, matagal na rin ang programang ito at ipinapatupad na ng mga LGU subalit hindi lamang naabot ang bilang na inaasahan ng PhilHealth Leadership and management sa national level.

--Ads--

Kaya ani Lambino, kanilang itinulak ito sa Provincial level at ginagawa ang lahat ng makakaya upang mailapit ito sa buong residente ng lalawigan.

At sa ngayon ay nasa higit 90% ng mga LGU ang nagsagawa na ng initial launching nito.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng “sweeping” kung saan kanilang hinahanap ang mga hindi pa rehistrado sa PhilHealth.

Samantala, binigyan linaw naman ng bise gobernador ng lalawigan na ang ibinigay na P300 sa mga dumalo sa initial launching ay mula sa partner ordinance ng programa.

Ito aniya ang ibinigay na insentibo na mula sa budget ng Provincial government at hindi sa budget ng PhilHealth.

Gayunpaman, hindi naman ito makukuha kung hindi naman kabilang sa nag-avail ng konsulta.

Sinabi pa ni Lambino, kabilang sa mga benepisyo na makukuha sa pagpaparehistro ay ang pagtulong sa mga otomatikong miyembro ng PhilHealth o ang mga senior citizens at mga miyembro ng indigence. Kaugnay nito, magkakaroon sila ng 1-year membership sa PhilHealth.

Maliban pa riyan, kaakibat sa Konsulta Package ng PhilHealth membership ang pagpapacheck up sa dinalang doktor at pagrereseta sa kanila. Makakatulong naman ito para makalibre sa mga piling serbisyo sa mga pagamutan.

Dagdag pa niya, inilapit na rin nila ang mga botika.