Nangunguna parin ang lalawigan ng Pangasinan kung pag-uusapan ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Region I.
Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Center for Health Development I, sa kanilang pinakahuling datos, ang Pangasinan ay nakapagtala na ng 1,379 na confirmed COVID-19 cases, dagdag pa ang 427 cases na naitala sa siyudad naman ng Dagupan.
Sinundan ito ng lalawigan ng La Union sa naitalang 478 cases, Ilocos Norte sa 133 recorded cases at Ilocos Sur na mayroon nang 78 cases, para sa kabuuang 2,495 na kaso sa buong Region.
kabila naman nito, itinuturing ng nabanggit na opisyal na magandang balita ang bahagyang pagdami ng bilang ng mga gumaling mula sa nabanggit na sakit sa rehiyon na ngayon ay umakyat na sa 1,949.
Samantala, 448 pa ang bilang ng active cases sa rehiyon at karamihan sa mga ito ay nasa mga temporary treatment and monitoring facilities habang ang iba naman ay nasa mga ospital.
Kinumpirma rin ng opisyal na apat parin ang registered laboratory para sa COVID-19 sa rehiyon, kung saan dalawa dito ay nasa lalawigan ng Pangasinan, ang Region I Medical Center at Dagupan Doctors Villaflor Hospital.
Mayroon namang tig-isa sa Ilocos Norte at sa La Union, habang hinihintay na rin ang accreditation ng Molecular Laboratory ng PHO sa Pangasinan .
Targeted Mass Testing parin ang ginagamit bilang stratehiya sa pagsusuri para sa COVID-19, at nananatiling prayoridad para dito ang mga “at risk population” gaya ng mga senior citizens, health care workers, at mga nagbubuntis. Tiniyak naman ni Bobis na sapat ang test kits ngayon para sa buong rehiyon.
Hindi naman ipinagkaila ng opisyal mula sa DOH na ang pagluwag ng mga ipinapatupad na mga quarantine protocols ang posibleng dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon kung ikukumpara sa mga panahon na nasa ECQ pa ang maraming lugar dito.