Halos 90 percent na ang nawalang baboy sa lalawigan ng Pangasinan at 10 percent na lang ang mga naiwang baboy.

Ito ang pahayag ni Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG sa gitna ng mataas na presyo ngayon ng karne ng baboy sa merkado.

Paliwanag ni So na nagkakaroon ng shortage sa local production kaya ang mga karne ng baboy na ibinebenta sa mga tindahan ay galing pa sa malalayong lugar o lalawigan at isa ito sa nakikitang dahilan ng pagmahal ng karne ng baboy.

--Ads--

Ang ikinababahala ni So na kapag naisakatuparan ang pagpapatupad ng price freeze sa karne ay baka wala ng traders na aangkat sa malayong lugar dahil malulugi sila sa presyo.

Gayundin sa karne ng manok na ngayon ay nasa 180 ang presyo bawat kilo ay hindi na rin iluluwas sa Metro Manila. Ang resulta ay magkakaroon naman ng shortage sa manok sa naturang lugar.

Engr. Rosendo So, chairman Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG

Matatandaan na inirerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng price freeze sa karne ng baboy sa merkado, kasunod na rin nang pagsirit ng presyo nito dahil sa African swine fever (ASF).

Ayon kay DA Spokesperson at Assistant Secretary Noel Reyes, iaapela ni DA Secretary William Dar kay Pangulong Duterte ang pagpapatupad ng mula P270 hanggang P300 na price freeze.