DAGUPAN CITY- Umabot na sa 56 na kolorum na tricycle ang nahuli ng Public Order and Safety Office (POSO) sa lungsod ng Dagupan sa nakalipas na araw.
Kasalukuyang nananatili sa impoundment area ang mga tricycle na nahuli kung saan ang multa dito ay nagkakahalaga ng 5,000 pesos.
Ayon kay POSO Chief Arvin Decano, mas pinaigting nila ang pagbabantay sa mga kalsada upang masawata ang mga tricycle na walang prangkisa at ilegal na namamasada.
Kamakailan lamang, binisita aniya nila ang ilang paradahan ng TODA upang paalalahanan ang mga tricycle driver na walang kinikilingan ang kanilang operasyon.
Aniya na hindi nila kukunsintihin ang mga kolorum na tricycle dahil lumalabag sila sa batas at nagdudulot ng perwisyo sa mga lehitimong tricycle driver.
Sa kabuuan, mayroong 2,753 lehitimong tricycle driver na may prangkisa sa lungsod na nagrereklamo dahil sa tinatayang 250 kolorum na tricycle.
Kaya naman, gumagawa ang POSO ng paraan upang matugunan ang problemang ito.
Layunin ng paghihigpit na ito na maging patas sa pamamasada at masiguro na lahat ay sumusunod sa batas ng pagkakaroon ng prangkisa bago makapaghanapbuhay.
Samantala, ibinahagi rin ni Decano na naglabas na sila ng Fare Matrix na malapit nang ipatupad.
Sa ilalim nito, ang pamasahe sa mga tricycle na nasa paradahan ay 30 pesos, habang 20 pesos naman sa mga tricycle na pumapasada sa kalsada.
Panawagan ni Decano sa publiko na sumakay lamang sa mga tricycle na may prangkisa o may sticker na nagpapatunay na lehitimo upang maiwasan ang anumang aberya.










