Umabot na sa mahigit 100,000 ang bilang ng mga alagang hayop sa Pangasinan na nabakunahan kontra sa rabies ngayong taon.

Ito ay sa pamamagitan ng patuloy na Anti-Rabies Vaccination program ng Office of the Provincial Veterinary (OPVET).

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Governor Ramon V. Guico III na mapababa ang mga kaso ng kagat ng hayop at rabies sa buong lalawigan.

--Ads--

Simula Enero ngayong taon, umabot na sa 104,734 na aso at pusa ang nabakunahan kontra rabies dahil sa pinaigting na kampanya ng Pamahalaang Panlalawigan laban sa nakamamatay na sakit.

Bukod sa pagbabakuna, nagbibigay din ang OPVET ng libreng deworming, bitamina, konsultasyon, kastrasyon, at spaying services para sa mga alagang hayop.

Nanawagan ang Pamahalaang Panlalawigan, kasama ang OPVET, sa publiko na maging responsableng mga may-ari ng alagang hayop upang maiwasan ang pagkalat ng rabies at magkaroon ng mas ligtas na komunidad.