DAGUPAN CITY- Halos mangalahati na ang mga mangingisda sa Pilipinas dulot ng pagtaas ng presyo sa gasolina at pagkabaon sa utang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pablo Rosales, Presidente ng Pangisda Pilipinas, patunay ito na malaki ang epekto ng langis at gasolina sa bansa, partikular na sa sektor ng pangingisda.
Aniya, hindi man ginusto subalit, napilitang lumipat na lamang ang iba ng hanap buhay kung saan mas may kikitain, tulad ng pamamasada ng e-trike at pagpasok sa construction.
Binigyan diin ni Rosales na hindi rin naman gaano nakakabawi ang mga mangingisda sa pagbebenta ng kanilang huling isda sapagkat hindi sila ang nakakapagtakda ng presyo nito.
Gayunpaman, mayroon pa rin nananatiling nangingisda subalit pinipili na lamang magsagwan at mamalaot sa malapit lamang.
Giit niya na kinakailangan nila ang konkretong solusyon mula sa gobyerno dahil hindi naman gaano nakatutulong ang matatanggap na one-time subsidy na may halagang P2,300 kumpara sa higit isang buwan na krisis.
Bukod pa riyan ay mabagal ang usad ng matatanggap nilang cash assistance at may ilang hindi pa nakakatanggap dahil sa hindi maayos na listahan.
Saad pa ni Rosales na patuloy umaasa ang gobyerno sa importasyon kaya hindi natutugunan ang problema ng mga mangingisda sa patuloy na pagliit ng nahuhuling isda.
Ang problemang ito ay dulot ng overfishing at ilegal na pangingisda ng mga commercial fishing corporations sa municipal waters.
Kanilang ikinalulungkot na maliit ang kanilang natatanggap na tulong mula sa gobyerno habang patuloy silang sinasapawan ng mga commercial fishers.










