Ipinagmalaki ng hanay ng Philippine National Police Region 1 ang mas mababang bilang ng krimen at kaso ng pagkalunod ngayong taon kumpara noong nakaraang taon sa gitna ng naging paggunita ng Semana Santa 2023.
Ayon kay PCol. Charlie Umayam ang syang Chief-Regional Operations Division ng Police Regional Office 1 na nakapagtala ang kanilang himpilan ng siyam na insidente na eight focused crimes na kinabibilangan ng kaso ng murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, car theft at motorcycle theft.
Bagaman isang kaso ng murder ang naitala sa Pangasinan ay base sa kanilang naging pag-aaral ay mas mababa pa ring bilang ng mga insidente ng kriminalidad ang naitala sa rehiyon lalo na’t ngayong taong 2023 ay ang naging tuluyang pagluluwag ng mga restriksyon.
Kung mababatid aniya ay mas naging mabigat ang trapiko at naging dagsaan ang mga turista sa lahat ng mga pook pasyalan ngayong taon.
Malaki aniya ang tulong ng pakikiisa ng publiko para sa naging matagumpay na pagobserba ng Semana Santa upang matiyak ang kabuuang kaligtasan ng bawat isa sa Rehiyon.
Kaugnay pa nito ay 15 insidente naman ng pagkalunod ang kanilang naidatos na mas mababa kumpara noong 2022 na may 21 insidente sa panahaon ng Semana Santa.
Ito na rin umano ay dahil sa kanilang pinaigting na koordinasyon sa mga private resorts at gayundin sa isinagawang information dissemination sa pagbibigay babala sa bawat residente sa dapat maiwasan sa kanilang paglangoy sa ilog, dagat o maging sa mga swimming pool.