Inihayag ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na umabot sa 1,159 na mga residente ang nailikas dulot ng naging pananalasa ni Bagyong Karding.

Saad ni Patrick Aquino ang siyang Operations Supervisor ng naturang ahensya na nanatili pa rin sa Red ALert ang status sa buong lalawigan ng Pangasinan kung saan ay nakastandby pa rin ang mga responders sa iba’t ibang mga bayan.

Hangga’t hindi umano nakakalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility ay mananatili ang kanilang mga personnels na nakadeploy sa mga maituturing na high risk areas.

--Ads--

Aniya na ang lebel ng San Roque Dam ay nasa 260.56 na ang ibig sabihin ay hindi naging malakas ang mga paguulang idinulot ng bagyo.

Naging normal din aniya ang mga river systems sa lahat ng mga lugar sa lalawigan kung kaya’t wala rin silang naidatos na anumang mga problema sa kasagsagan ng pananalasa nito.

Inaasahan naman umano na mamayang hapon kapag bumuti na ang sitwasyon ay maipupull out na ang mga responders na kung saan ilan sa kanila ay nakadeploy sa bayan ng Burgos kasama na ang hanay ng PNP at Philippine Army.

Dagdag nito na malaking bagay ang pakikiisa ng mga residente sa kanilang mga abiso partikular na sa mga mangingisda matapos na ipagbawal muna ang pagpalaot sa mga karagatan dahil sa banta ng matataas na alon.

Paglilinaw rin nito na lahat ng mga kakalsadahan ay maaaring madaanan.

Tiniyak din nito na sila ay patuloy na nakamonitor sa mga lugar na posibleng makaranas ng anumang insidente.

TINIG NI PATRICK AQUINO