Nasa 50%-60% na ang ibinaba sa bilang ng meat vendors sa mga palengke sa siyudad ng Dagupan dahil sa African Swine Fever (ASF) at COVID-19 pandemic.
Ayon kay Dagupan City Veterinarian Dr. Michael Maramba, malala ang pagbaba nito at ang dating daily slaughter report na nasa 100-120 heads per day ngayon ay nasa 50 lamang ang pumapasok sa siyudad.
Nagkakaroon pa rin kasi ng kakulangan sa supply dahil hanggang sa ngayon ay wala pang guidelines o go signal ang department of agriculture at bureau of animal industry sa kung pwede nang mag-alaga ng baboy at simulan ang repopulation program dahil sa banta ng ASF.
Samantala, mahigpit pa rin sa ngayon ang monitoring ng mga karne sa mga palengke ng siyudad tulad ng Malimgas at Macador Market upang masiguro na ligtas ito para sa mga mamimili.
Giit nito na matindi ang screening pagdating sa ASF kahit na naideklara ng ASF free ang naturang siyudad.
Kasama na rito ang paniniguro ng ilang mga kaukulang dokumento tulad ng business permit, gayundin pagdating sa frozen products. // Report of Bombo Adrianne Suarez