Tinulungan ng Calasiao PNP ang isang 24 anyos na babae mula sa Maynila matapos lokohin ng kanyang boyfriend mula sa naturang bayan na nakilala niya sa social media.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan sa naturang himpilan, dumulog ang naturang babae upang ireklamo ang kanyang boyfriend matapos itong ipagtabuyan sa tinitirahan nitong bahay.
Ayon sa pulisya, biktima ng love scam ang babae, isang uri ng modus na pinapaibig ang biktima at hihingan ng pera.
Bagaman ganoon umano ang ginawa ng kanyang boyfriend ay hindi na nagsampa ng kaso ang naturang babae.
Upang muling makabalik sa kanyang lugar ang biktima ay tinulungan na lamang ng pulis ang biktima at nag-ambag-ambag para mabigyan ito ng cash assistance.
Sakali mang ituloy ng biktima ang pagsampa ng kaso ay kakaharapin ng lalake ang kasong estafa dahil sa panghihingi nito ng pera mula sa kanyang girlfriend.
Paalala naman ng pulisya sa publiko, huwag basta magtitiwala sa mga taong nakikilala lang sa social media.